Homiliya sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni San Juan Crisostomo

Patrick Fernandez
3 min readApr 3, 2021
Imahen ng Muling Pagkabuhay sa Simbahang Orthodox ng Banal na Santatlo sa Butte, Montana. Pintado sa Fresco.

Salin ni: Patrick Fernandez

Nawa ang lahat ng maka-Diyos at mangigibig ng Diyos ay magdiwang sa kaningningan ng matagumpay na kapistahan na ito. Nawa ang mga pantas na lingkod ay maligayang makapasok sa kagalakan ng Panginoon. Nawa ang mga nagdala ng pasanin ng Kuwaresma ay matanggap ang kanilang kabayaran, at lahat ng nagpakasakit mula nang unang oras, nawa’y matanggap ang kanilang gantimpala.

Nawa ang sinumang dumating matapos ang ikatlong oras ay malugod sa pakikiisa sa kapistahan, at ang mga dumating matapos ang ika-anim, nawa’y hindi magduda sapagkat walang nawala sa kanila. Nawa ang sinumang nahuli sa ika-siyam na oras ay hayaang makalapit at hindi mag-alinlangan, at ang mga dumating sa ikalabing-isa, nawa’y hindi mabahala sa pagkakahuli nila. Sapagkat ang Diyos ay mapagkaloob, Kaniyang tinatanggap ang huli bilang ding una. Siya ay nagbibigay ginhawa sa sinuman na dumating sa ikalabing-isang oras pati na rin sa nagpakasakit simula nang una. Sa isa siya ay nagbibigay, at isa naman siya ay nagkakaloob. Kanyang tinatanggap ang gawa at pinagbubunyi ang pagsisikap. Ang gawain ay kanyang ginagalang at hangarin kanyang pinaparangalan.

Halina kayong lahat, pumasok sa kagalakan ng Panginoon. Kayong mga una at kayong mga huli, tanggapin ang inyong gantimpala; kayong mga mayayaman at kayong mga mahihirap, magsayawan kayong sabay; kayong mga asetiko at kayong mga pabaya, ipagdiwang itong araw; kayong mga nag-ayuno at kayong mga hindi, magalak ngayong araw.

Ang mesa ay umaapaw, tam’sahin ang maharlikang handaan. Ang guya ay pinataba, huwag hayaang may gutom na lumisan. Pagsaluhan n’yong lahat ang piging ng pananampalataya, tanggapin n’yo ang Kaniyang kabutihan. Huwag hayaang may magdalamhati sa kanyang kahirapan sapagkat ang pansansinukubang kaharian ay nahayag na. Huwag hayaang may magluksa sa kanyang mga kasalanan sapagkat mula sa puntod, ang kapatawaran ay bumangon na. Huwag hayaang may matakot sa kamatayan sapagkat ang kamatayan ng ating Tagapagligtas, sa atin ay nagpalaya na. Winasak Niya ito sa pamamagitan ng pagtiis nito, pinuksa Niya ito sa pagbaba sa kaharian nito, ginalit Niya ito sa pagpayag na ang Kanyang katawan ay matikman nito.

Nang makinikinita ito ni Isaias, siya ay sumigaw: “O Hades, ikinasuklam mo ang pagsalubong sa Kanya sa ilalim ng lupa.” Ang Hades ay galit na galit sapagkat ito ay nabigo, ito ay galit na galit sapagkat ito ay kinutya, ito ay galit na galit sapagkat ito ay nawasak, ito ay galit na galit sapagkat ito ay nahantong sa wala, ito ay galit na galit sapagkat ito ay nabihag. Kumuha ito ng katawan at nakaharap ang Diyos; kumuha ito ng lupa at nakatagpo ang langit; kumuha ito ng nakikita at nadaig ng hindi nakikita.

O kamatayan, nasaan ang iyong hapdi? O kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Si Kristo ay nabuhay na mag-uli at ikaw ay napuksa. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli at ang mga demonyo ay natapon. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli at ang mga anghel ay nagsipagdiwang. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli at ang buhay ay naghari. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli at ang libinga’y nawalan ng mga patay ‘pagkat si Kristo na Siyang muling nabuhay mula sa mga patay ay Siyang naging Unang Bunga ng mga nahihimlay.

Sa Kaniya ang lahat ng kaluwalhatian at ng kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Muling Pagkabuhay ni Kristo at Pagnaog sa Kinaroroonan ng mga Yumao Kasama ang mga Santo at iba pang mga Kapistahan. Tempera sa panel de madera. Rusya sa huling ika-19 na siglo.

Christos Anesti! Khristos Voskrese! Si Kristo’y Nabuhay!

Alithos Anesti! Voistinu voskrese! Siya nga ay Nabuhay!

Ang homiliya para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni San Juan Crisostomo ay tradisyunal na ipinapahayag sa maitines ng Pasko sa mga simbahan sa silangan sa tradisyong Bizantino.

--

--

Patrick Fernandez

Development Economics | Political Economy | Data Analysis | Engineering